Pinangangambahang mahigit 200 katao ang nasawi matapos umanong tamaan ng airstrike ng militar ang isang pamilihan sa hilagang-silangan ng Nigeria noong Sabado ng gabi, ayon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga residente.
Nabatid na nagsasagawa ng operasyon ang militar laban sa mga Islamist militant sa rehiyon nang maganap ang insidente sa Jilli Market sa border ng Yobe at Borno states —isang rehiyong matagal nang apektado ng insurgency na nagdulot na ng libo-libong pagkamatay at paglikas ng milyon-milyong residente.
Isang lokal na opisyal ang nagsabing marami sa mga biktima ang dinala sa mga ospital sa Yobe at Borno, habang iba’t ibang residente at isang humanitarian worker din ang nagkumpirma ng malawakang pinsala.
Ayon sa isang nakaligtas, nagdulot ng matinding takot ang pagsabog kung saan maraming tao rin ang nagtangkang lumikas ngunit nahirapan dahil sa biglaang pag-atake.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Nigerian Air Force na nakapatay sila ng mga miyembro ng Boko Haram sa operasyon sa Jilli axis, ngunit hindi nito binanggit ang umano’y pagtama sa pamilihan.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang bilang ng mga nasawi at lawak ng pinsala sa insidente.










