Aabot sa mahigit 20,000 katao ang sinita, binalaan at pinagmulta dahil sa paglabag sa iba’t ibang quarantine protocols sa unang araw ng implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, kabilang sa mga violators ay ang mahigit 500 katao na kung hindi nagpupumilit ay gumagawa ng alibi para lamang makapasok sa loob ng National Capital Region at mga kalapit na probinsya ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna kahit pa sila ay non-APORs.
Sa 494 katao na hindi pinayagan makapasok sa NCR Plus bubble, 119 sa kanila ang hindi pinalusot sa Metro Manila, 56 sa Laguna, 129 sa Cavite, lima sa Rizal at 184 naman sa Bulacan.
Samantala, kabuuang 58 katao naman ang nagsabi na sila ay APOR pero wala namang maipakitang katibayan para rito.
Base sa datos mula sa Joint Task Force COVID Shield, sinabi ni Eleazar na mula noong alas-12:01 ng Agosto 6 hanggang alas-4:00 ng umaga ng Agosto 7, 2021, kabuuang 20,511 violators ang sinita o binalaan.
Pero ang ilan sa kanila ay pinagmulta base na rin sa umiiral na mga ordinansa ng mga local government units.
Sa naturang bilang, kabuuang 14,775 ang lumabag sa Minimum Public Health Standards, 5,781 naman ang lumabag sa uniform curfew hours.