-- Advertisements --

Apektado ang higit a 171,000 na indibidwal o katumbas ng 47,000 na pamilya mula sa 53 na barangay bunsod pa rin ng naging magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu City nitong Martes.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), mula sa bilang na ito halos 4,000 pamilya o katumbas ng 20,600 na mga indibidwal ang nananatili sa labas ng mga evacuation centers dulot ng mga aftershocks sa lugar.

Kasunod nito tiniyak ni OCD Deputy Administrator for Administration Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV na patuloy lamang ang operasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa assessment ng kasalukuyang sitwasyon sa Bogo, Cebu na siyang pinaka-napinsala ng lindol.

Samantala, batay naman sa inisyal na assessment ng OCD, nangangailangan sa ngayon ang mga lugar ng Medellin, Sogod, Bogo City, at Daanbantayan ng power generators, maiinom na tubig, hygiene kits, tents, trapal, flashlights at batteries, mga food packs, at maging internet connectivity.

Pinakatinututukan na sa ngayon ng ahensya at ng pamahalaan ang tatlong pinaka-kailangan ngayon ng mga apektadong lugar partikular na ang power restoration, komunikasyon at maging mga housing needs sa dami ng mga partially at fully damaged na kabahayaan at imprastraktura sa lugar.