Umabot na sa 2,980 ang aftershocks na naitala ng PHIVOLCS hanggang alas-8 ng umaga ng Huwebes, kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Lunes.
Sa bilang na ito, 783 ang natukoy ang lokasyon habang 61 ang naramdaman ng mga residente, na may lakas mula magnitude 1.2 hanggang 6.4.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umakyat na sa 53 ang death toll ngunit patuloy pa itong sumasailalim sa beripikasyon.
Nasa Code Red Alert pa rin ang Davao Region at SOCCSKSARGEN habang tuloy ang rescue, retrieval, at damage assessment operations sa mga apektadong lugar.
Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na nararating na ng mga responder ang mga dating isolated na komunidad, ngunit may ilang lugar pa ring hirap pasukin dahil sa sirang kalsada at imprastruktura.
Samantala, tinatayang mahigit 6,200 paaralan at 3.2 milyong mag-aaral at guro ang naapektuhan ng lindol, ayon sa DepEd, habang patuloy ang assessment sa lawak ng pinsala.
Patuloy na nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso upang matiyak ang kaligtasan sa gitna ng patuloy na aftershocks.
















