-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umakyat na sa mahigit 17,000 indibidwal ang apektado sa Region 12 kasunod ng magnitude 6.6 na lindol noong Martes na sumentro sa Tulunan, North Cotabato.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Office of Civil Defense (OCD-12) assistant regional director Jerome Barranco, inihayg nito na tinututukan na nila sa ngayon ang mga biktima ng malakas na pagyanig lalong lalo na sa North Cotabato.

Ayon kay Barranco, inihahanda na nila ang tulong sa 17,520 na indibidwal o 3,504 pamilya na naapektuhan sa lindol sa bayan ng M’lang, Tulunan, Makilala at Kidapawan City kung saan nasa kabilang ang 36 barangays.

Kaugnay nito, halos 1,300 naman pamilya o 6,460 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers sa probinsya.

Nasa 511 naman ang naitalang bahay na totally damage samantalang 1,187 naman ang partially damaged.

Umabot naman sa lima ang naitalang namatay sa SOCKSARGEN region dahil sa lindol na kinabibilangan nina:

  1. Anghel Andi, 22, ng Arakan, North Cotabato
  2. Rene Boy Andi, 7, ng Arakan, North Cotabato
  3. Marichel Morla, 23, buntis, residente ng Tulunan, North Cotabato
  4. Nestor Narciso, 61, Brgy. GPS, Koronadal City, Koronadal City
  5. Melissa Morin, 25, Brgy Dumadalig, Tantangan, South Cotabato

Sa ngayon, nakatutok ang ahensya sa pagbibibigay ng pagkain, tents, tubig at iba pang pangangailangan ng mga sibilyan na apektado.

Katuwang din ng OCD-12 ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Red Cross at ang bawat LGU sa pagbibigay ng psycho-social processing sa mga sibilyal at humanitarian workers na nakaranas ng trauma.

Samantala, mahigpit din ang paalala sa publiko na maging kalmado at alerto sa lahat ng oras dahil posible pang madagdagan ang mahigit 200 aftershocks na naitala matapos ang lindol.