-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Aabot sa 15 ektaryang bukirin ang naabo kasunod ng naganap na grass fire sa Barangay Unidos, Nabas, Aklan.

Ayon kay FO3 Erlman Casimero ng Bureau of Fire Protection o BFP-Nabas, nasa pangalawang araw nang nasusunog ang bahagi ng bundok nang kanilang malaman.

Kaugnay nito, kaagad silang nagsagawa ng fire fighting operation katuwang ang BFP-Malay kung saan nahirapan ang mga ito na marating ang lugar dahil sa mga masukal na daanan.

Matapos ang ilang oras na pakikipagbuno sa apoy ay kanila rin itong naapula ngunit makikita na ang naging pinsala sa malaking bahagi ng bundok.

Wala naman umanong kabahayan sa lugar kaya’t hindi kaagad napansin ang sunog.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng BFP ang naging sanhi ng grass fire.