Umaabot na sa 124 terorista ang napatay sa engkuwentro laban sa mga sundalo ng Philippine Army sa serye ng kanilang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Philippine Army Commanding General, Lt. Gen. Gilbert Gapay, ang nasabing datos ay mula buwan ng Enero hanggang Hulyo.
Sinabi ni Gapay, mula Enero ay nasa 279 encounters ang pinangunahan ng mga army at tinatayang 1,705 mga terorista ang sumuko sa pamahalaan.
Nasa 95 naman ang naaresto, habang sumampa sa 422 samu’t-saring armas na nasabat.
Ipinagmalaki ni Gapay na sa loob ng anim na buwang kampanya ay nasa siyam na high ranking terrorist ang na-neutralize ng Philippine Army.
Kabilang dito sina Julius Giron, chairman ng Communist Party of Philippines Central Committee; at Anne Margarette Tauli, secretary ng Regional White Area Committee ng Ilocos-Cordillera Regional Committee.
Si Giron ay napatay ng mga sundalo sa Baguio City noong March 13, 2020 at nasa likod ng pagpatay sa maraming sundalo at mga inosenteng sibilyan na tumangging magbigay ng revolutionary tax sa New People’s Army.
Binigyang-diin ni Gapay na dahil sa pagkamatay ni Giron, kasalukuyang nasa matinding krisis angkomunistang grupo dahil sa “leadership vacuum.”
Siniguro naman ni Gapay na sa kabila ng nararanasang pandemya ng bansa, tuloy pa rin ang militar sa kanilang pinalakas na kampanya laban sa mga teroristang grupo sa bansa.