-- Advertisements --

Aabot sa higit 1,200 clusters ng COVID-19 cases ang natukoy ng Department of Health (DOH) matapos ang halos limang buwang pagpapatupad ng community quarantine sa bansa.

Batay sa datos ng DOH, as of August 17, may 1,245 clusters o mga lugar sa bansa na may higit sa dalawang kumpirmadong kaso ng sakit.

Binubuo ito ng 1,054 (halos 85%) clusters sa komunidad, 68 sa mga ospital at health care facilities, 30 sa mga kulungan at iba pang jail facilities, at 93 mula sa “unspecified settings.”

Sa mga rehiyon ang National Capital Region, Calabarzon, Central Visayas at Central Luzon ang may pinakamaraming clusters.

Kung susuriin ang datos, karamihan ng clusters sa naturang mga rehiyon ang mula sa komunidad.

Una nang sinabi ng DOH na bukod sa expanded testing ay isa na rin clustering of cases sa mga dahilan nang pagtaas muli ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

Nitong araw pumalo na sa halos 165,000 ang total number ng COVID-19 cases sa bansa.