-- Advertisements --
MILF 3

lumikas ang libo-libong mga residente mula Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao Province, matapos lumala ang labanan sa pagitan ng mga grupo sa ilalim ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Ayon kay Col Dennis Almorato, spokeperson ng 6th Infantry Division Phil Army na nakabase sa Maguindanao provinces, mahigit 2,300 families o katumbas ng 11,000 indibidwal ang inisyal nang lumikas dahil sa pangambang maipit sa nasabing kaguluhan.

Paliwanag ng opisyal, ang dalawang grupo na sangkot sa kaguluhan ay nauugnay sa rido o clan war at territorial dispute. Naunang pumirma ang mga ito ng peace pact noong Abril-5 ngunit nagpatuloy pa rin ang labanan.

Batay sa opisyal na rekord ng Phil Army, ang dalawang paksyon ay sa ilalim ng 105th Base Command sa ilalim ng pamumuno ni Commander Moat Sindatuk, at 118th Command na nasa ilalim ng liderato ni Commander Bobby Adam.

Ang ilan sa mga lumikas ay kinailangang manirahan na pansamantala sa mga eskwelahan at mga evacuation center.

Samantala, patuloy ding inaalalayan ng militar at pulisya ang mga lumikas ngunit hindi pa rin pinapakialaman ang nasabing gulo dahil sa pagnanais nilang maresolba na lamang ito ng mga leader ng MILF.

Top