Sarado pa rin sa publiko ang nasa 11 road sections o kalsada sa iba’t ibang lugar na nasalanta ng Bagyong Ulysses, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa pinakahuling update ng Kagawaran kaninang umaga, mula sa 11 road sections, dalawa ay sa Cordillera Administrative Region (CAR) tatlo sa Region II lima sa Region III at isa sa Region IV-A.
Sinabi ng DPWH na nagpapatuloy pa ang clearing operations sa mga naturang daanan na pansamantalang hindi magagamit dahil sa landslides, makapal na putik o kaya’y pagbaha pa rin.
Samantala, mayroon pang anim na road sections na may limitadong access, ayon sa DPWH.
Isa rito ay sa Region II, tatlo sa Region III at tig-isa sa Region V at Region VIII, dahil sa roadslip, makapal na putik, baha at iba pang rason.
Sinabi ng DPWH na ang iba pang national roads at mga tulay na nauna nang naapektuhan ng Bagyong Ulysses ay nadadaanan na ng anumang uri ng mga sasakyan.
Sa pagtaya naman ng DPWH, aabot na sa siyam na bilyong piso ang inisyal na halaga ng mga pinsalang idinulot ng Bagyong Ulysses sa mga imprastraktura, kasama na ang mga kalsada, tulay, flood control, mga gusali at iba pa.