ILOILO CITY – Tinatayang 11 kabahayan sa Barangay Delapeña at Barangay California sa bayan ng Barotac Viejo, Iloilo, ang nawasak dahil sa pananalasa ng buhawi.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Staff Sergeant Jet Andayao, imbestigador ng Barotac Viejo Municipal Police Station, sinabi nito na walong bahay ang nasira sa Delapeña at tatlo sa California.

Ayon kay Andayao, maliban sa nawasak na mga bahay, namatay naman ang nasa 115 alagang bibe sa lugar.

Kaugnay nito, agad tumungo sa nasabing mga barangay ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang mabigyan ng tulong ang mga pamilyang apektado ng pananalasa ng buhawi.