TACLOBAN CITY – Patay ang isang high value target samantala sugatan naman ang live-in partner nito sa nangyaring pamamaril sa Brgy. Naghalin, Kananga, Leyte.

Kinilala ang mga biktima na sina Sonny Toms Cabahug, 35 taong gulang at ang live in partner nito na si Erika Arcala, 19 taong gulang parehong residente ng Brgy. Montebello, Kananga, Leyte.

Ayon kay Police Senior Master Sgt. Aldwin Ala, duty investigator ng Kananga Municipal Police Station, sakay sa kanilang motorsiklo ang biktima at live-in partner nito nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang suspek.

Nakapagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na naging dahilan ng agarang pagkamatay nito samantala nakapagtamo naman ng minor injury ni Arcala na sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan na.

Napag-alaman na ang namatay na biktima na si Cabahug ay una nang naaresto noong taong 2016 dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

-- Advertisement --

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang maaresto ang nasa likod ng nasabing pamamaril.