-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Higit P100,000 na halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga otoridad sa ikinasang search warrant operation laban sa isang magsasaka sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang suspek na si Tanny Taup Gakit alyas Tanto Tidong at Tanto Talib, 40-anyos, may asawa, at residente ng Sitio Patindigin, Brgy. Pantar, Banisilan, Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar na ni-raid ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) at pulisya ang tahanan ng suspek.

Si Gakit ay pinaniniwalaang miyembro din ng isang armed lawless group na nag-ooperate sa North Cotabato at may koneksyon sa mga drug personalities sa Maguindanao na kumukuha pa ng kanilang suplay ng ilegal na droga sa Luzon.

Sa ginawang paghalughog sa tahanan ng suspek ay nasamsam ng mga otoridad ang 14 na sachet na pinaniniwalaang naglalaman ng shabu na may bigat na 15 grams na tinatayang nagkakahalaga ng P102,000, isang Caliber .45 pistol at isang magazine na naglalaman ng limang bala.

Sa ngayon ay nakapiit na si alyas Tidong sa custodial facility ng Banisilan PNP at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 20002.