Mistulang kinontra ni Department of Justice (DoJ) Justice Sec. Menardo Guevarra ang naging pahayag kahapon ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Director General Gerald Bantag na tumangging kumpirmahin na kasama si Jaybee Sebastian sa mga nasawing persons deprived of liberty (PDLs).
Sinang-ayunan kasi ng DoJ ang naging posisyon ni National Privacy Commission (NPC) Commissioner Mon Liboro na hindi maaring gamiting panangga lang ang Data Privacy Law sa pagsasapubliko ng pagkakakilalanlan ng isang high profile inmate na nasawi sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ay dahil maituturing na ring isang public figure si Sebastian.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sa kaso ni Jaybee Sebastian na tetestigo pa sana sa kaso laban kay Sen. Leila De Lima, tama ang pahayag ni Commissioner Liboro.
Pero mas mainam umanong hintayin na lang muna ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kapag gugustuhin din na isasapubliko ang mga impormasyon ng walong iba pang high profile inmates na sinasabing sangkot din sa iligal na droga.
Dagdag ni Guevarra na kasama sa tututukan ng imbestigasyon ng NBI ang mga tunay na ikinamatay ni Sebastian at ng walong iba pang high-profile na PDLs.
Una nang sinabi ni Commissioner Liboro na hindi maaring gamiting mistulang balabal o panangga lang ang Data Privacy Law para pagkaitan ng impormasyon ang publiko lalo pa at national isyu ang kinasangkutan ni Sebastian.
DoJ usec. and Spokesman Markk Perete
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Philippines kay DoJ Usec. at Spokesman Markk Perete, sinabi nitong mayroon lamang umanong ipinupunto si Bantag kaugnay ng nasabing isyu.
Sinabi ni Perete na nais lang munang ipaalam ni Bantag sa pamilya ni Sebastian ang nangyari bago nila isapubliko ang pagpanaw nito dahil sa coronavirus.