-- Advertisements --

Nadiskubre ang isang pambihirang fossil kamakailan ng mga geologist sa Mississippi.

Ang fossil ay labi ng isang sinaunang marine apex predator na tinatawag na mosasaur.

Ayon kay James Starnes ng Mississippi Department of Environmental Quality, isang malaking lumbar vertebra ang natagpuan sa creek bed malapit sa Starkville noong Abril 15.

Natukoy na Mosasaursus hoffmannii ang uri ng kanilang nadiskubreng fossil na maaari umanong umabot sa 40 talampakan ang haba, at may bigat na 20,000 pounds.

Ayon pa kay Starnes, “indeterminate growers” ang mga hayop na ito ibig-sabihin ay tuloy-tuloy ang paglaki habang sila ay nabubuhay.

Bagamat kilala ang Mississippi sa mga fossil, tulad ng mga shell at Ice Age na hayop gaya ng mastodon at sloth, bihira ang ganitong klase ng fossil na kanilang nadiskubre.

Ang mga mosasaur ay mabilis at maliksi, may matatalas na ngipin at angking lakas na ginagamit upang manghuli ng malalaking hayop sa dagat. Nawala sila sa pagtatapos ng Cretaceous period.

Ito na raw ang pinakamalaking mosasaur fossil na nahanap ng mga siyentipiko sa lugar.

‘Both of us are standing there looking at each other with our jaws wide open because of the size, ani Starnes.