-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naghihintay na ang hero’s welcome para sa Cagayan de Oro boxing pride na si Carlo Paalam.

Ito ay dahil sa hawak nitong tagumpay sa kanyang boxing career kung saan hindi biro ang ibinigay na karangalan hindi lamang para sa Northern Mindanao, kundi sa buong bansa.

Ginawa ni Cagayan de Oro City administrator Teodoro Sabugaa ang pahayag alinsunod sa nakatakdang pagsabak ni Paalam sa final match laban sa Indonesia boxer para sa gold medal bout sa Philippine International Convention Center mamayang hapon.

Inihayag ni Sabugaa na manalo o matalo si Paalam laban kay Indonesian boxer Kornelis Langu para sa gold medal match, ay bibigyan ito ng pagkilala ng lungsod.

Si Paalam na 2018 Asian Games bronze medalist ay produkto ng boxing program ni City Mayor Oscar Moreno na una nitong sinimulan noong ito ay nanunungkulan pa bilang gobernador sa Misamis Oriental.