Bumuhos ang iba’t ibang reaksyon ng mga Chinese nationals matapos kumpirmahin ng Wuhan Central Hospital na binawian na ng buhay ang kauna-unahang doktor na nagbigay alerto sa publiko hinggil sa pagkalat ng sakit na coronavirus sa China.
Kinumpirma ng nasabing ospital na namatay na sa edad na 34 ang opthalmologist na si Li Wenliang na dinapuan din ng turang sakit.
Una nang itinanggi ng Wuhan Central Hospital ang balitang patay na ang doktor at sinabing nasa kritikal lamang itong kondisyon.
Si Li ay isa sa walong doktor na pinagalitan ng mga otoridad sa Wuhan na itigil ang pagkakalat ng maling balita tungkol sa sakit.
Dahil sa impormasyon na isiniwalat ni Li, sari-saring akusasyon ang hinarap ng China dahil sa di-umano’y pagtatago nila sa tungkol sa coronavirus.
Pinilit din ang doktor na pumirma ng isang kasunduan kung saan inaamin umano nito na sinusubukan lamang niyang guluhin ang gobyerno at tinakot pa na maaari itong humarap sa kasong kriminal.
Sinigurado naman ni Chinese President Xi Jinping ang kaniyang mamamayan na gagawing ng China ang lahat ng kanilang makakaya upang puksain ang nCoV.