Isang panalo na lamang ang kailangan ng Boston Celtics para tuluyang ilaglag ang Miami Heat sa 2024 NBA playoffs at makausad na sila sa Eastern Conference semifinals.
Aminado ang Celtics na hindi nila basta-basta malaglag ang Heat dahil sa matinding coaching ang ipinapamalas ni Filipino-American coach Erik Spoelstra.
Sasamantalahin na lamang ngayon ng Celtics ang kanilang homecourt advantage.
Base kasi sa kasaysayan ng NBA na ang mga koponan na may hawak na 3-1 sa serye ay mayroong 95.4 percent na tsansang manalo at sa kasaysayan ng Celtics ay hindi pa sila natalo noong hawak nila ang 3-1 na kalamangan kung saan dalawang beses lamang silang nakapaglaro ng Game 7.
Ang huling koponan na nakabangon sa 3-1 series ay ang Denver Nuggets na dalawang beses nila itong nagawa na una ay noong 2020 sa first round laban sa Utah Jazz at sa second round ng parehas na taon laban naman sa Los Angeles Clippers.
Mag-uunahan ngayon na makakuha ng 3-2 na kalamangan ang Dallas Mavericks at Los Angeles Clippers sa First round ng Western Conference playoffs.
Isang malaking hamon ngayon sa Mavericks ang right knee injury ng kanilang star player na si Luka Doncic.
Bagamat mayroong pananakit sa tuhod ay pinilit pa rin nitong maglaro noong Game 4 subalit ngayong Game 5 ay minomonitor ng koponan kung makakayanan ba nito ang injury.
Pagtitiyak naman ni Mavericks coach Jason Kidd na kanilang ipapalit sa puwesto ni Doncic si Kyrie Irving at Derrick Jones Jr.
Sa panig naman ng Clippers ay hindi makakapaglaro sa Game 5 si Kawhi Leonard dahil sa pamamaga ng kaniyang kanang tuhod.
Inamin ni Clippers coach Tyronn Lue na malaking hamon para sa koponan ang kawalan ni Leonard.
Mayroong average kasi si Leonard na 23.7 points, 6.1 rebounds at 3.6 na assists.