Nagpahayag ng pagkabahala ang healthcare workers matapos sabihin ni Department of Health Secretary Ted Herbosa na plano niyang imungkahi kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtanggal na ng public health emergency (PHE) status ng bansa dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Herbosa na ikinokonsidera niya ang naturang plano matapos nga ang deklarasyon ng World Health Organization na hindi na isang public health emergency of international concern ang COVID-19.
Ilan sa pinangangambahan ay mawawalan na ng bisa ang emergency use authorization ng mga bakuna kontra covid-19 at ailangang mag-apply na ng mga manufacturer para sa certificate of product registration para sa pagbebenta at paggamit ng kanilang mga bakuna sa oras na tanggalin na ang public health emergency.
Dagdag pa dito, masususpendi na rin ang natatanggap na allowance ng healthcare workers na nag-aalga sa mga pasyenteng nagkakasakit ng covid-19 at mga benepisyo ng mga dinapuan ng virus.
Giit ng Alliance of Health Workers (AHW) na hindi pa handa ang ating bansa para sa pagtanggal ng public health emergency dahil marami pa rin ang mga kaso ng covid-19 sa bansa.
Dagdag pa ng grupo na kung walang libreng mass testing, babalewalain na lamang ng mga tao ang posibleng mga sintomas ng covid-19 gaya ng lagnat at sipon.
May posibilidad din na tumaas ang mga kaso dahil hindi lahat ng populasyon ay maaari ng turukan ng bivalent vaccine na tumatarget sa orihinal na covid19 at omicron variants.
Kayat saad ng grupo na dapat na tignan muna ang sitwasyon at huwag magpadalus-dalos sa pagdedesisyon.