Nakatakdang makipagpulong ngayong araw ang grupo ng mga healthcare workers sa Inter Agency Task Force (IATF) kaugnay pa rin ng binawasang distansiya ng mga pasaherong sasakay sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Dr. Carmela Kasala of Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC), umaapela na sila sa IATF na ibalik sa isang metro ang social distancing, magpiprisinta raw sila sa IATF ng model para ipakita ang posibleng maging impact sa Coronavirus disease 2019 (COVID cases at death ng pagbabawas ng distansiya mula isang metro na ginawang 0.75 meters.
Una nang sinabi ni Kasala na, posible raw kasing maging ugat ng muling pagtaas ng COVID-19 ang bagong direktiba ng pamahalaan.
Maliban dito, baka isipin daw ng mga tao na pababa o pawala na ang virus at pababa na ang kaso ng virus.
Giit niya ang droplet kahit aerosol sa pagsasalita, pag-ubo, pag-hatsing ay kumakalat sa hangin.
Hindi rin umano garantiya ang pagsusuot ng face mask at face shield kaya mas mainam pa rin ang isang metrong distansiya.
Una nang binawasan ang distansiya para raw mas marami ang makakasakay sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon sa Department of Transportation (DoTr) nakabase raw sa siyensiya ang kanilang hakbang.
Pero base naman sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), kailangang maobserbahan ang isang metrong distansiya sa lahat ng oras para maiwasan ang transmission ng coronavirus.