-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hinamon ng grupong Alliance of Health Workers (AHW) ang Department of Health (DoH) na magkaroon ng transparency sa P8.23 bilyon na halaga ng Special Risk Allowance (SRA) na umano’y naibigay na sa 499,000 na mga medical frontliners.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay AHW President Robert Mendoza, hindi naniniwala ang kanilang grupo na umabot na sa ganung halaga ang naibigay sa mga frontliners dahil marami pa rin sa kanila ang hinaing ang kawalan ng benipisyo.

Kung totoo man umano ang report na ito, dapat lamang na ipakita ng DoH ang mga dokumentong magpapatunay na naibigay na talaga ang SRA.

Samantala kinuwestiyon naman ni Mendoza ang isinusulong ngayon ng ahensiya na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) singular benefits kung saan planong i-kategorya ang mga healthworkers sa low, medium at high risk at dito ibabase ang matatanggap na benepisyo.

Nanindigan ang grupo na lalo lamang na magdudulot ito ng kalitohan dahil lahat naman kasi ng medical workers ngayong may pandemya ay high risk na matamaan ng nakakahawang sakit.