Kinalampag ng isang lider sa Kamara ang iba’t ibang sektor sa bansa na magtulungan sa pagpapaibayo ng kaligtasan ng mga estudyante at guro na balik eskuwela sa susunod na buwan.
Ayon kay House Deputy Speaker Loren Legarda, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga opisyal at tauhan ng mga paaralan, ang Department of Education, mga local government units at mga magulang para sa pilot implementation ng face-to-face classes.
Karamihan pa rin kasi aniya ng mga estuydante ay hindi pa bakunado at posibleng pagmulaan ng hawaan ng COVID-19 sa eskuwelahan.
Kalusugan at kaligtasan pa rin aniya ng mga mag-aaral at mga guro ang prayoridad sa harap ng pandemya.
Base sa memo ng DepEd sa nakalipas na dalawang linggo, para makasama sa pilot phase ng in-person classes, dapat ang mga paaralan ay nasa minimal risk areas.
Bukod dito, dapat pinapayagan ng LGU ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa kanilang nasasakupan, pasado sa School Safety Assessment Tool (SSAT) at may parent’s consent ang mga estudyante.
Nabatid na 90 pampublikong paaralan ang lalahot sa limited pilot run ng face-to-face classes.
Aabot na sa 93.2 percent sa mga personnel at mga guro ng mga paaralang ito ay fully vaccinated na kontra COVID-19.