Isinusulong ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas ang panukalang batas na layong bigyan ng “health insurance” ang lahat ng mga guro sa mga publikong paaralan sa bansa.
Ito ang House Bill 4074 o Health Care for Public School Teachers Bill.
Ayon kay Vargas, napapanahon ng maipasa ang kanyang panukala, kasunod na rin ng pagkasawi ng isang guro makaraang mahulog ang sinasakyan nilang bus sa bangin sa Bataan.
Dito aniya nakita ang pangangailangan na magkaroon ng health maintenance organization o HMO insurance ang mga public school teachers.
Giit ng mambabatas, ang isang health program para sa mga guro ay hindi lamang proteksyon sa kanilang kalusugan at “well-being” sa sektor ng edukasyon, kundi makakatulong din sa pagsusulong ng “public health” sa mga komunidad.
Dagdag ni Vargas, dapat na matiyak na maayos ang “physical at mental condition” ng teachers upang masiguro na matutugunan nila ang mga pangangailangang pang-edukasyon, at ito ay magagawa kung mag-iinvest sa kalusugan ng mga “bayaning guro.”
Kapag naging ganap na batas, ang Department of Edcuation o Deped ang bibigyang-mandato na kumuha ng kontrata para sa HMOs ng mga guro, at dapat na tatanggapin sa mga ospital sa buong bansa.
Samantala, sinabi ni Vargas na makakatanggap ng medical assistance mula sa kanyang tanggapan ang ilan sa mga nasugatang guro sa insidente sa Bataan.