-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Itinurn-over ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) ang bagong gawang operating/delivery building, 15-bed capacity medical ward, at motorpool building sa Datu Odin Sinsuat District Hospital sa Maguindanao.

Ang nasabing mga pasilidad ay ipinatayo sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program (HFEP 2012-2018).

Pinangunahan ni officer-in-charge Health Minister Amirel Usman, kasama sina officer-in-charge Chief of Hospital Dr. Elizabeth Samama, at Maguindanao Provincial Health Officer Mohammad Ariff Baguindali ang ceremonial turnover at ribbon cutting ng nasabing mga pasilidad.

Ayon kay Dr. Usman, ang pagpapatupad ng naturang mga proyekto ay bilang pagtalima sa layuning makapagbigay ng komportableng pamumuhay sa bawat Bangsamoro sa pamamagitan ng mga serbisyong pangkalusugan.

Pinuri din ni Usman ang lahat ng Bangsamoro health warriors sa kanilang katatagan at paglilingkod sa publiko.

Samantala, binigyang-diin ni Dr. Samama na ang mga pasilidad ay magiging mahalang bahagi ng nasabing ospital sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Nabatid na nagbigay din ang MOH ng 30 kahon ng transport boxes para sa coronavirus disease 2019 specimens at 39 na kahon ng maternity kits na naglalaman ng sanitary pad, undergarments, at baby’s kit sa Integrated Provincial Health Office o IPHO-Maguindanao.