Inamin ng isang infectious diseases expert na maaari ngang maipasa ang coronavirus disease (COVID-19) sa pamamagitan ng “aerosoles” o tilamsik ng laway kaya dapat mag-ingat ang publiko sa ilang kinasanayan na aktibidad.
“This is very important kasi although in the past sinabi natin ang understanding natin ‘yun (aerosoles) yung pinaka-paraan kung papaano kumalat ang sakit papunta doon sa kanyang kaharap,” ani Dr. Anna Ong-Lim sa isang media forum.
Binanggit ng eskperto ang resulta ng isang pag-aaral kung saan nakasaad ang virus particle per minute na naipapasa ng isang infected na tao sa bawat aktibidad.
Halimbawa, ang pagsasalita raw ay nagpo-produce ng 270 virus particles kada minuto. Kung sumisigaw naman daw ang isang tao ay 570 virus particles per minute. Ang pagkanta ay may 690, at maaari pang dumami sa 1,480-virus particles per minute kapag nilalakasan pa ng indibidwal.
“Pag bumabahing or umuubo that’s about 200-million virus particles per minute, so imagine that napakarami. Yung paghinga lang mismo 135-virus particles per minute.”
Kaya naman paalala ni Dr. Ong-Lim, dapat matutunan ng publiko ang wastong pagsusuot ng personal protective equipment tulad ng face mask at face shield.
“Yung aerosoles which is pwedeng kumalat ng mas malayo dahil magaan, mayroon din palang role na pini-play at kailangan natin pag-ingatan itong mga activities na ginagawa natin para hindi tayo lalo makapanghawa.”