-- Advertisements --

Nagpapatawag ng imbestigasyon ni Senator Risa Hontiveros hinggil sa umano’y pag-ipit sa pagbibigay ng COVID-19 hazard pay at special risk allowance ng mga health care workers.

Inihain nito ang Senate Resolution No. 584 upang gumawa ng imbestigasyon matapos ang kilos-protesta ng mga medical frontliners at advocacy groups dahil hanggang ngayon daw ay hindi pa nila natatanggap ang kanilang kompensasyon simula noong Marso.

Ayon sa senador, halos buong taon at buong pandemya nang nagtatrabaho ang mga health care workers ngunit wala pa rin silang hazard pay.

Batay aniya sa Administrative Order No. 35 na inilabas ng Malacañang, naka-mandato rito ang dagdag na P3,000 kada buwan para sa mga health workers. Subalit kahit daw ang basic benefits ng mga ito ay hindi kayang bayaran ng pamahalaan.

Hindi raw maaari na puro pasasalamat lamang ang matanggap ng mga ito para sa kanilang kontribusyon lalo na at hindi pa naibibigay ang kakarampot nilang hazard pay at special risk allowance.

Dagdag pa ni Hontiveros na ang totoong pasasalamat ay ang agarang pagbibigay ng kanilang mga sahod at hazard pay.

Ayon sa Department of Health (DOH), na-delay lamang ang pagbibigay ng hazard pay at special risk allowance ng mga health workers dahil kulang ang P10837 million na kinakailangan upang ibigay ng buo ang kanilang mga benepisyo.

Subalit sinabi ni Hontiveros, kasama na ang kompensasyon para sa mga health workers sa P20.57 billion na alokasyon para sa health-related COVID-19 response ng bansa sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act.

Nai-release na noong Oktubre ang nasabing pondo ngunit ipinagtataka raw ni Hontiveros na mayroon pang 16,764 medical frontliners ang hindi pa nababayaran.

Dapat din daw tandaan na isa ang mga healthcare workers sa biktima ng economic crisis na dulot ng COVID-19 pandemic, sa kabila nito ay patuloy pa rin nilang ginagawa ang kanilang serbisyo kahit pa ang kapalit nito ay kanilang mga buhay.