Robredo
IMAGE| Vice Pres. Leni Robredo | OVP

Kung si Vice Pres. Leni Robredo raw ang tatanungin, dapat i-konsidera ng pamahalaan ang pagbuo ng isang “health-based approach” bilang alternatibo sa aniya’y naging marahas na hakbang kontra iligal na droga.

Sa isang panayam sinabi ni Robedo na hindi niya maatim na basta panoorin lang ang sitwasyon nang walang ginagawa bilang tugon sa lumobo pang bilang ng mga namatay dahil sa kampanya ng gobyerno.

Hindi raw patas ang istilong kamay na bakal na ginagawa ng mga otoridad sa drug addicts, na para sa bise, ay mas nangangailangan ng tulong medikal.

Kung mayroon man daw dapat makatanggap ng justice approach ay yung mga supplier at dealer ng illegal drugs.

Una ng nilinaw ng pangalawang pangulo na hindi niya nais ipahinto ang war on drugs campaign, sa halip, ay hinihikayat umano nito ang gobyerno para maghinay-hinay at silipin ang implementasyon ng kontrobersyal na hakbang.

Inasahan na raw ni Robredo ang buhos ng kritisismo kasunod ng kanyang pahayag kamakailan hinggil sa anti-drug war campaign ng administrasyong Duterte.

Naniniwala ang bise presidente na parte ng kanyang obligasyon bilang pangalawang pangulo ang maghayag ng opinyon sa mga hakbang ng gobyerno na may kinalaman sa interes ng publiko.

Hindi umano hadlang ang pagiging kaunti ng kanilang hanay ngayon na nakaupo sa oposisyon para magsilbing boses ng minorya.

Hinamon ni Robredo ang gobyernong na tingnan sa ibang perspektibo ang tagumpay ng anti-drug war at hindi lang ang bilang ng mga namatay dahil dito.