CAGAYAN DE ORO CITY – Kung ang pamilya Dormitorio raw ang tatanungin, sang-ayon sila sa panukala na ihanay sa mga itinuturing na heinous crime ang hazing.

Ayon kay Dexter Dormitorio, kapatid ng hazing victim na si Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th Class Darwin Dormitorio, suportado ng kanilang pamilya ano mang hakbang para matigil ang lahat ng uri ng hazing sa loob ng akademiya.

Hawak na ngayon ng naulilang pamilya ang draft ng kasong isasampa laban sa pitong PMA cadets na sinasabing nasa likod ng pagkamatay ng nakababatang Dormitorio.

Ikinagalak naman ng naghain ng panukala na si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang tugon ng naulilang pamilya.