-- Advertisements --

Iginiit ni presidential spokesperson Harry Roque na dapat hayaan ng mga kritiko si Pangulong Rodrigo Duterte na isulong ang “careful, calibrated, and calculated” nitong foreign policy sa harap nang pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay matapos na himukin naman nina retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario si Pangulong Duterte na magkaroon ng mas matapang na mga hakbang kontra Beijing matapos na ilang daang barko ng China ang namataan sa WPS simula noong Marso.

Ayon kay Roque, hindi nakakatulong sa bansa ang mga pahayag nina Carpio at Del Rosario.

Ang mainam na gawin aniya ng mga dating opisyal na ito ay ihinto na ng mga ito ang “misleading” at peligroso na “illegal, impractical and irresponsible” na mga pahayag.

“They should leave international relations to the one who has the foresight, information, and constitutional mandate to make sound foreign policy decisions,” ani Roque.