Masayang ibinalita ng Department of Transportation (DOTr) na nasa 315,299 overseas Filipino workers (OFWs) na ang kanilang natulungang makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan matapos ma-stranded sa Metro Manila dahil sa lockdown.
Ito ang naging hakbang ng ahensya para tugunan ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tulungang makauwi ang ating mga kababayan sa kanilang mga probinsya. Katuwang ng DOTr ang National Task Force for COVID-19 at iba pang ahensya sa pagiging matagumpay ng naturang programa.
Batay sa datos, 95,783 OFWs ang nakauwi sa pamamagitan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at 161, 432 naman ang sa tulong ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 simula noong May 25 hanggang Nobyembre 19.
Samantala, 58,084 naman ang pinauwi sa pamamagitan ng Manila North Harbor simula Abril 27 hanggang Nobyembre 19. Binubuo ang mga ito ng mga locally stranded individuals (LSI) at authorized persons outside of residence (APOR).
Bilang suporta naman para sa ating magigiting na mga frontliners, tiniyak ng DOTr na magpapatuloy ang kaniyang “Free Ride Service for Health Workers” program.
Nananatili ring libre ang toll free para sa lahat ng expressways sa Luzon para sa mga medical workers. Ang free toll program naman ay naisakatuparan umano dahil sa kooperasyon at pakikiisa ng mga toll operators sa Toll Regulatory Board (TRB) ng DOTr.