Inamin ng Brooklyn Nets star na si Kyrie Irving na sinigawan siya ng kanyang partner na si James Harden na naging mitsa upang ganahan siya at pumuntos sa naging panalo nila kanina laban sa San Antonio Spurs, 117-102.
Ayon kay Irving, nangyari ang insidente matapos na mabokya siya sa puntos sa third quarter.
Kuwento ni Irving, para sa kanya hindi naman personalan ang insidente nang bulyawan siya ng kanyang partner.
Dahil dito pagsapit daw ng 4th quarter ginanahan siya sa laro at nagbuslo ng 15 puntos sa sumunod na tagpo para sa kabuuang 24 points.
Si Harden naman ay nagpakitang gilas nang magtala ng triple double performance gamit ang 37 big points, 10 rebounds at 11 assists.
Ito ay sa kabila na hindi pa rin naglalaro ang injured na MVP candidate na si Kevin Durant na posibleng abutin pa ng isang buwan sa pagpapagaling.