-- Advertisements --
image 237

Hiniling ngayon ng isang mambabatas sa Department of Health (DoH) na tutukan ang Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) outbreak sa mga schoolchildren sa ilang barangay sa San Pascual sa Batangas.

Ayon kay Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, kailangan na raw ditoang tulong ng DoH para ma-contain ang outbreak of Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD).

Aniya, sana raw ay bigyang pansin ni Department of Health OIC Secretary Ma. Rosario Vergeire ang naturang outbreak.

Nais din niyang alamin daw sana ng DoH ang pinagmulan nito at matulungang masawata ang sakit.

Ito ay para hindi na raw kumalat sa iba pang mga bayan at mapagpatuloy na ang naudlot na naman na pag-aaral sa mga eskuwelahan.

Ang panawagan ng bagitong mambabatas ay kasunod na rin ng kaso ng 100 bata na na-infect ng naturang sakit.

Dahil na rin sa naturang outbreak ay nag-isyu na si San Pascual Mayor Antonio Dimayuga ng executive order na nagdedeklara ng suspension ng mga klase mula kahapon hanggang sa Oktubre 21 para sa mga batang pumapasok sa Day Care hanggang Grade 3 sa walong barangay na apektado ng outbreak.

Ipinunto naman ni Luistro na hindi kasing lala ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang HFMD pero ang naturang disease ay highly contagious base na rin sa sitwasyon sa Batangas na biglang lumobo ang kaso sa loob lang ng ilang araw.

Ang HFMD ay isang infectious disease na common na sa mga bata at kumakalat ito sa pamamagitan ng direct contact na mayroong secretions gaya ng saliva mula sa infected na indibidwal.

Kabilang naman sa mga sintomas nito ang fever, masakit na sores sa bibig, rash at blisters Sa kamay, paa at buttocks.

Sa mga rare cases naman ay puwedeng magkaroon ng komplikasyon gaya ng viral meningitis, encephalitis at paralysis.