-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng kampo ng Hamas ang inilatag na plano ng Amerika para sa ceasefire o tigil-putukan sa Gaza.

Ito ay kahit pa nauna ng sinabi ng senior official ng Hamas na bigo ang plano ng US na matugunan ang kanilang pangunahing demands.

Una na ngang inanunsiyo ng White House na lumagda na ang Israel sa inilatag na plano ni United States Special Envoy to the Middle East Steve Witkoff at inaantay na lamang nito ang pormal na tugon mula sa panig ng Hamas.

Base sa Israeli officials, inaasahang sa ilalim ng 60 araw na ceasefire, ituturn-over ng Hamas ang 10 buhay na bihag at labi ng 18 nasawing bihag sa dalawang yugto ng prisoner swap at ang pagpapalaya sa mga presong Palestinian mula sa mga piitan ng Israel.

Matatandaan, nagpatupad ang Israel ng total blockade sa Gaza at ipinagpatuloy ang kanialang military offensive noong Marso 18 matapos mabasag ang 2 buwang ceasefire na trinabaho ng Amerika, Qatar at Egypt.

Sa ngayon base sa health ministry na pinapatakbo ng Hamas, pumalo na sa halos 4,000 katao ang napatay sa Gaza sa nakalipas na 10 linggo.