DAGUPAN CITY – Malaking dagdag pasanin na naman para sa hanay ng transport sector ang karagdagang halos P7.00 na umento sa kada litro ng diesel ngayong araw.
Ayon kay Mody Floranda ng PISTON, matapos ang ilang mga rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo noong mga nakaraang linggo ay tila mababawi rin lang ito dahil sa laki ng dagdag na singil muli nito.
Aniya, bagaman nakita naman na talagang posible ang pagtaas muli nito, malaking bagay hindi lamang sa kanilang hanay ang pagtaas na ito kundi maging sa iba pang mga sektor na kumukunsumo rin nito maging ang mga ordinaryong mga mamamayan na nakakaranas sa epekto ng presyuhan sa iba pang mga pangunahing bilihin na apektado rin sa naturang presyo.
Halos wala rin umanong epekto ang ang dagdag 1 piso sa pasahe sa mga pumapasadang jeep dahil patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin.
Kaya naman ang hiling naman nila sa gobyerno na magtuloy-tuloy ang pagkakaroon ng pinakakontretong programa o solusyon ang gobyerno para matugunan ang pangangailangan ng mga kagaya nilang mga pumapasadang driber.