CAGAYAN DE ORO CITY – Naisubasta ng Bureau of Customs (BoC)-Northern Mindanao ang multi-million na halaga ng mga nakumpiskang illegal shipments na unang ipinuslit ng mga sindikato sa Mindanao Container Terminal na nakabase sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Ito ay matapos ibenenta ng gobyerno ang 13 illegal shipments ng mga kargamento na inilagay sa mahigit 70 containers sa 11 bidders na inilunsad sa Security Warehouse ng BoC sa Barangay Tablon, Cagayan de Oro City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni BoC-Cagayan de Oro Spokesperson Angelo Andrade na kabilang sa naibenta sa mga negosyante ang closed van truck, Ford Ranger truck, nagamit na mga truck parts, polished furniture maging steel coils at copper ore.
Inihayag ni Andrade na nakalikom ng halos P7 milyon na kita ang ahensiya mula sa public auction na isinagawa nitong siyudad.
Sa ilalim kasi ng Customs memorandum order 10-2020 na lahat ng cargoes na mabigong makuha sa loob ng isang buwan matapos na-kuwestiyon ang ligalidad ay tinatrato na ina-abandona at isasailalim sa Decree of Abandonement finality habang nasa gobyerno na ang kontrol.
Kaugnay nito, inihayag naman ni BoC-CdeO collector John Simon na ang nalikom na koleksiyon ng ginawang public auction ay makadagdag koleksyon sa gobyerno habang patuloy na nilalabanan ang pandemya ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.