-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot sa 2,956 Riyal o katumbas ng mahigit P43,481 at P6,500 ang natangay ng hindi pa nakikilalang pinaghihinalaan na nanloob sa isang bahay sa Sitio Caduc Old San Mariano sa San Mariano, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michelle Dela Cruz sinabi niya na limang oras na walang tao sa kanilang bahay dahil nagtungo sila sa isang fiesta.

Pag-uwi nila ay napansin nila na nakadouble lock na ang harapang pintuan at para makapasok ay kinailangan nila itong sungkitin ng kawayan.

Pagbukas ng pintuan ay tumambad sa kanila ang mga nagkalat na gamit at bag ng kanyang asawa.

Hinala niya ay malapit lamang sa lugar ang gumawa ng pagnanakaw dahil maaaring nakatunog ito na walang maiiwang tao sa kanilang bahay bago isinakatuparan ang panloloob.

Inilalagay lamang niya sa dura box ang naipong pera na kanilang inilalaan sa panahon ng emergency kaya mabilis itong natagpuan ng magnanakaw.

Panawagan niya ngayon sa tumangay sa kanyang naipong pera na kung maaari ay ibalik na lamang ito upang hindi na humantong sa pagsasampa ng kaso.