Aabot sa halos P27-billion na halaga ng mga pekeng produkto ang nasabat ng mga otoridad sa bansa noong nakaraang taong 2023.
Batay sa ulat na inilabas ng Intellectual Property Office of the Philippines, noong nakalipas na taon ay aabot sa kabuuang Php26.86-billion ang katumbas na halaga ng mga counterfeit products na nakumpiska ng iba’t ibang mga law enforcement agencies mula sa magkakahiwalay na operasyon.
Mayorya o 94% sa mga ito ay nasabat sa mga operasyong ikinasa ng Bureau of Customs, sinundan naman ng mga operasyon ng National Bureau of Investigation na nakapagkumpiska ng aabot sa Php1.20-billion.
Habang nasa Php285.93 million naman ang halaga ng nasamsam sa mga operasyon ng Philippine National Police; Php1.58 million sa Food and Drugs Administration, at Php221,500 naman sa Optical Media Board.
Ayon kay Intellectual Property Office of the Philippines, Director General Rowel Barba karamihan sa mga nasamsam ng BOC ay mga imitation aparel, habang illicit cigarettes naman ang mga kadalasang nakukumpiska ng PNP.
Samantala, ang mga pekeng produkto na ito ay narekober ng mga otoridad sa mula sa kabuuang 3,087 na mga operasyong ikinasa nito mula noong Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.