-- Advertisements --

NAGA CITY – Halos nasa P200-K halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga otoridad sa isinagawang buy-bust operation sa dalawang suspek sa Lucena City.

Kinilala ang mga suspek na sina Rizza Lagrazon, 32; at Jaynard Avila, 30-anyos, kapwa residente ng Brgy. Ransohan sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alamang walong sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na nasa 9.5 grams ang nasamsam mula sa dalawang suspect.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, natukoy na ang mga nakumpiskang iligal droga ay may kabuuang halaga na nasa P193,800.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.