-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot na sa halos P2 milyon na ayuda ang naipagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa mga backyard hog raisers na apektado ng African swine fever (ASF) sa ilang bayan doon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan, sinabi niya na personal na iniabot ni Governor Rodito Albano ang P2,500 sa mga may-ari ng bawat baboy na isinailalim sa “culling” bilang tulong.

Unang tinungo ni Gov. Albano ang bayan ng Gamu at ipinagkaloob niya ang P387,500 na bayad pinsala sa 39 na backyard hog raisers na apektado ng ASF.

Kabuuang 155 na baboy ang isinailalim sa culling at 82 rito ang mula sa Barangay Mabini at 78 naman ang mula sa Barangay Union.

Sunod namang tinungo ng grupo ni Gov. Albano ang Roxas, Isabela, at ipinagkaloob ang P385,000 sa 36 na backyard hog raisers na apektado.

182 na baboy ang ibinaon sa lupa sa nasabing bayan at 19 dito ang mula sa Barangay Bantug at 33 naman sa Barangay San Antonio.

Pinagkalooban naman ng pamahalaang panlalawigan ng P727,500 ang San Manuel Isabela bilang tulong sa 36 na backyard hog raisers ng 291 na baboy na isinailalim sa culling.

Ayon kay Ginoong Santos, kahapon ay itinakda ang pamamahagi ng bayad pinsala sa mga backyard hog raisers na apektado sa Payac, Jones, Isabela.

Inaasahan na sa mga susunod na araw ay bibisitahin ni Gov. Albano ang mga nalalabi pang bayan na may naitalang ASF.

Maliban sa bayad pinsala ay magsasagawa rin ang pamahalaang panlalawigan ng pig dispersal at goat dispersal oras na humupa na ang problema sa ASF sa lalawigan.

Samantala, tiwala ang Pamahalaang Panlalawigan na hindi apektado ang supply at presyo ng karne ng baboy sa mga bayan na may kaso at suspected case ng ASF matapos na isailalim sa culling ang 955 na baboy mula sa 155 backyard hog raisers sa lalawigan.

Sa kabila ng lock down ay maaaring magpasya ang mga lokal chief executives kung magpapapasok sila ng mga karne ng baboy o buhay na baboy mula sa mga ASF free Municipality na may sertipikasiyon mula sa National Meat Inspection Service at municipal o city veterinarian.

Pansamantala namang sinuspinde ng pamahalaang panlalawigan ang ilang Programa ng BRO kabilang na ang Paiwi o pamamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng mga libreng biik sa mga magsasaka dahil pa rin sa banta ng ASF.