-- Advertisements --

Nagsasagawa na ng tracing ang mga otoridad, makaraang makaharang ng malaking halaga ng droga sa Ninoy Aquino International Airport.

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang halos P15 million halaga ng iligal na droga matapos idaan ito sa mahigpit na screening.

Ayon sa BOC-NAIA, idinaan ang iligal na droga sa Central Mail Exchange Center (CMEC).

Dumating umano ang shipment noong Enero 19, 2024 at nanggaling sa Wilmington, California, USA.

Idineklara ito bilang “hardware materials.”

Pero nang buksan ay nakuha sa loob ang 2,452 gramo ng Cocaine na itinago sa loob ng mga black bolt.

Naharang din sa Central Mail Exchange Center ang anim na parcel na idineklarang personal items.

Nakuha sa loob ang 1,307 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P1.829 million.

Inihahanda na ang mga kaso laban sa mga consignee ng mga parcel dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.

Magkatuwang na sa pagproseso ng kaso ang BOC, PDEA at mga opisyal ng paliparan.