CAUAYAN CITY – Umabot na sa halos 900 manggagawa sa Region 2 ang nawalan ng trabaho dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, tagapagsalita ng Department of Labor and Employent (DOLE) Region 2, sinabi niyang nagsasagawa ngayon ang DOLE ng inspeksiyon sa mga establisyemento sa rehiyon para tignan ang epekto ng pandemya.
Aniya, mula noong Hulyo 2 ay mayroon ng 73 establishments ang apektado ng COVID-19 habang 896 na manggagawa naman ang nawalan ng trabaho.
Sa nasabing bilang ng mga apektadong establisyemento ay 59 ang nagbawas ng kanilang tauhan at 818 na manggagawa ang nawalan ng trabaho.
Siyam naman ang tuluyan nang nagsara at 38 manggagawa ang apektado habang dalawang establisyemento naman ang tapos na ang mga proyekto kaya nagsara na at 30 manggagawa ang apektado.
Ayon kay Trinidad, ang mga negosyong ito ay kabilang sa small at medium establishments.
Tiniyak naman nito ang tulong sa mga nawalan ng trabaho at umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs).
Aniya, may National Skills Registration Program ang DOLE ngayon para matulungan ang mga nawalan ng trabaho dahil sa nararanasang pandemya.
Magtungo lamang sa Public Employment Service Office o PESO sa bawat local government units o LGUs para sa Employment Information System at nang matulungan silang mabigyan ng trabaho.
Bukod dito ay mayroon ding AKAP na para naman sa mga OFWs at mayroon ng 2,647 ang kanilang na-assess.
May livelihood assistance rin na ibibigay sa mga OFWs at scholarship sa kanilang mga pinag-aaral.