Nasa 455 na mga magsasaka mula sa ibat ibang bahagi ng Luzon ang ginawaran ng mga titulo ng lupa para sa agrikultural at residensyal na gamit, bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad sa paninirahan at suporta sa sektor ng agrikultura.
Ito ay bilang pagkilala sa kasipagan ng mga magsasaka.
Ang mga beneficiaries ay mula sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Cordillera Administrative Region, at Metro Manila.
Ang paggawad ng mga land patent o titulo ay sa ilalim ng programang “Handog ng Pangulo: Financial Assistance to Farm Laborers and Distribution of Titles.”
Sa talumpati ng Pangulo, kaniyang ipinarating ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa mga masisipag na magsasaka na nagsusumikap para sa isang masaganang bukas.
“Sa araw-araw ninyong hirap at pagod sa pagsasaka, pagtatrabaho, at pagtataguyod sa inyong mga pamilya, nandito ang gobyerno para suportahan at alalayan kayo,” pahayag ng Pangulo.
Sa ilalim ng Handog Titulo Program, binibigyan ng karapatan sa pagmamay-ari ng lupa ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa pamamagitan ng pag-isyu ng patent o titulo sa mga pampublikong lupa para sa paninirahan o pagsasaka, partikular sa mga matagal nang naninirahan at nagsasaka sa mga ito.
Layunin ng Handog Titulo Program na palakasin ang partisipasyon ng mamamayan sa pangangalaga ng kalikasan.
Bukod pa rito, iniulat din ng Pangulo na may 65 benepisyaryo mula sa apat na barangay sa Taguig City ang pinagkalooban ng deed of sale.
Hinimok ni Pangulong Marcos ang mga benepisyaryo na gamitin nang tama at maging produktibo ang mga lupang kanilang pagmamay-ari.
“Gawin ninyong produktibo ang inyong lupain. Gamitin ito nang tama para sa bawat pamilyang Pilipino, para sa ating mga komunidad, at para sa kinabukasan ng ating minamahal na Pilipinas. Ang responsableng paggamit ng lupa ay magbubunga ng masaganang pamumuhay para sa ating lahat,” pahayag ni Pang. Marcos.