Isiniwalat ng Commission on Audit ang Department of Transportation para sa 48 hindi nagamit nitong Dalian train na binili walong taon na ang nakalilipas para sa MRT-3.
Isinaad ng mga auditor ng gobyerno sa 2022 audit report sa DOTr na ang mga tren na nananatiling hindi operational ay bahagi ng P3.7 billion na kontrata.
Nabatid na ang idle status ng mga tren ay dahil sa hindi pagkumpleto ng panukalang Way-Forward Plan gayundin sa pagsubok, pag-commissioning at huling pagtanggap ng Light Rail Vehicles o LRVs.
Inalala sa audit report noong 2014, pinasimulan ng pamunuan ng DOTr-MRT-3 ang mga proyektong pataasin ang linya at kapasidad ng tren sa 800,000 pasahero kada araw para ma-decongest ang sistema.
Binanggit din sa audit report na kailangan pa ring sumunod ng CRRC Dalian sa mga technical issue tulad ng Tare Weight at Depot Maintenance Equipment Compatibility.
Inirerekomenda ng audit team na dapat simulan ng DOTr Office of the Secretary ang mga follow-up sa CRRC Dalian at mabilis na subaybayan ang pagkumpleto ng Way Forward Plan.
Gayunpaman, binigyang-diin ng DOTr na ang aktibong koordinasyon ay nagpapatuloy habang ang CRRC Dalian ay nasa proseso ng pakikipagtulungan sa Sumitomo Corporation para sa maintenance ng mga tren.