-- Advertisements --

Aabot sa halos 5,700 na mga drug high-value targets mula sa iba’t-ibang bahagi ng buong bansa ang arestado sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, nasa kabuuang 5,691 na mga high-value target ang naaresto mula noong Hulyo 1, 2022 hanggang Pebrero 29, 2024.

Samantala, bukod dito ay nakapag-aresto rin ang ahensya ng nasa 84,291 na mga indibidwal na pawang mga sangkot din sa mga krimeng may kinalaman sa ilegal na droga.

Ang mga ito ay nasakote mula sa 61,800 na mga operasyon ikinasang ng mga operatiba kung saan nabuwag naman ang nasa kabuuang 901 na mga drug den at shabu laboratories sa kaparehong panahon.

Sa naturang mga operasyon naman ay nasa kabuuang Php32.44 billion na halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng otoridad na kinabibilangan naman ng 4,353.81kg ng shabu, 50,51kg ng cocaine, 54,016 piraso ng ecstasy tables, ay 3,589.08kg ng marijuana.

Samantala, sa kabilang banda naman ay iniulat din ng PDEA na mula sa 42,000 na mga barangay sa buong bansa ay nasa 28,330 na ang mga barangay na idineklarang “drug-cleared” na.