-- Advertisements --

Aabot na sa halos 40,000 indibidwal ang sumailalim sa COVID-19 testing ayon sa Department of Health (DOH).

Batay sa latest data ng DOH nitong April 14, may kabuuan na 39,947 katao na ang nagpa-test para malaman kung infected ba sila o hindi ng sakit.

Mula sa naturang bilang, may 5,782 na nag-positive; habang nasa 34,116 ang nag-test negative.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, asahan na mas marami ang bilang ng positive test kumpara sa total number of confirmed cases.

Kasali na raw kasi sa higit 5,000 positive ang mga pasyenteng naulit ang pagte-test.

“Lilinawin lang namin na ang total positive test ay mas maaaring mataas kaysa sa total confirmed cases dahil dumadaan pa ito sa case validation and processing.”

“At yung positive cases na admitted sa mga ospital ay maaaring nagkaroon ng repeat test.”

Nitong araw, nakapagtala ang DOH ng 230 na bagong kumpirmadong pasyente ng COVID-19, kaya umakyat pa sa 5,453 ang kabuuang bilang ng infected sa pandemic virus sa bansa.

Samantalang may 58 na bagong gumaling kaya nalampasan ng 353 recovery count ang 349 na death toll, na bunsod naman ng 14 na bagong namatay.