Naging emosyunal ang pagtanggap ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin sa halos 400 overseas Filipino workers (OFWs) na nakauwi na sa Pilipinas mula Lebanon ngayong araw.
Sa isinagawang maikling press conference sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), labis ang pasasalamat ni Sec. Locsin sa mga OFWs dahil sa kanilang kooperasyon para sa maayos na pagpapauwi sa mga ito.
Pasado ala-una na nang hapon kanina ng lumapag sa NAIA Terminal 3 ang Qatar Airways flight QR 3150 sakay ang 386 OFWs na lumikas sa Beirut makaraan ang malakas na pagsabog sa nasabing lugar noong Agosto 4.
Sinalubong sila nina DFA Sec. Locsin, Undersecretary for Civilian Security at Consular Concerns Brigido J. Dulay, Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Y. Arriola, at Department of National Defense (DND) Undersecretary Cesar B. Yano.
Kasama na rito ang bangkay ng apat na Pinoy na nasawi sa nasabing trahedya. Libre ang mass reptriation na ito para sa mga kababayan natin na uuwi mula Lebanon.
Sa ngayon ay nasa 1, 918 OFWs na ang napauwi ng Philippine Embassy sa Beirut.
Umapela naman si Locsin sa mga local government units (LGUs) na huwag hayaang sumailalim sa mahabang quarantine period ang mga returning OFWs.
Karamihan kasi sa mga ito ay kailangan munang sumailalim sa 14 days quarantine na siyang protocol dito sa bansa at sasailalim din sa swab test. Sa oras na negatibo ang lumabas sa resulta at maaari ng makauwi ang mga ito sa kani-kanilang mga tahanan.
Subalit may mga LGUs na hindi basta-basta pumapayag na papasukin sa kanilang mga bayan ang mga OFWs at kailangan ng mga ito na sumailalim sa parehong protocol.
Aniya hindi ito patas para sa ating mga kababayan na nais lamang makapiling ang kanilang mga kaanak.
“I ask the local government units to please not repeat the ordeal they are going through, have a little pity for our people,” ani Locsin.