Tuloy pa rin ang serbisyo sa kabila ng halos 30 kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Department of Justice (DoJ).
Ayon kay DoJ Usec. at Spokesperson Emmeline Aglipay-Villar, sa ngayon ay mayroong kabuuang 26 covid case sa DoJ at wala rito ang aktibong kaso.
Pero sa kabila nito, hindi na naka-lockdown ang punong tanggapan ng DoJ sa Padre Faura sa Maynila at mayroon silang 50 percent na on-site workforce.
Sinabi ni Villar na ang ibang empleyado ay naka-work from home, habang binigyan ang mga DoJ employees ng pagkakataon na i-reimburse ang perang nagamit sakaling sila ay nagpa-swab test para sa COVID-19.
Kinumpirma rin ni Villar na isang empleyado ng DoJ ang nasawi pero ang pasyente ay na-admit dahil sa COVID-19 ngunit namatay bunsod ng iba pang rason.
Ang iba namang pasyente ay kanila nang mino-monitor nitong nakalipas na mga linggo.
Mahigpit pa rin namang ipinatutupad ang health at safety protocols sa DOJ, gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at social distancing.