Napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan ang nasa halos 340,000 na mga indibidwal na apektado ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Gaza Strip.
Sa isang statement ay sinabi ng United Nations humanitarian agency na hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang mass displacement sa Gaza strip kung saan umabot na sa 338,934 ang bilang ng mga indibidwal na napilitang lumikas.
Ito ay matapos na gumanti ng pag-atake ang Israel sa kuta ng militanteng grupong Hamas sa Gaza Strip kung saan naninirahan din ang nasa 2.3-million na mga indibidwal kabilang na ang mag sibilyan.
Ayon pa sa UN, mula sa naturang bilang ay umabot na rin sa 220,000 na mga indibidwal ang humingi na ng kanlungan sa kanila.
Bukod dito ay mayroon ding 15,000 katao ang lumikas patungo sa mga paaralang pinamamahalaan naman ng Palestinian Authority, habang nasa mahigit 100,000 naman ang pansamantalang nanunuluyan muna sa kanilang mga kamag-anak, kapitbahay, simbahan, at iba ang mga pasilidad sa Gaza City.