-- Advertisements --
PCG PASAHERO

Patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga pasaherong naitatala ng Philippine Coast Guard sa mga pantalan na uuwe sa kani-kanilang mga mahal sa buhay ngayong Pasko.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng kagawaran, ngayong araw ay umabot na sa 26,713 ang bilang ng mga outbound passengers, habang pumalo naman sa 21,569 ang bilang ng mga inbound passengers na naitala nito sa mga pantalan.

Ayon pa sa Philippine Coast Guard, bilang bahagi na rin ng pagtiyak sa seguridad at kaligtasan sa mga pantalan ay ininspeksyon din nito ang nasa 225 vessels at 242 motorbancas habang nasa 2,080 na mga tauhan din nito ang kanilang ipinakalat sa 15 district offices nito para magbantay.

Kung maaalala, una nang sinabi ni PCG commandant Admiral Artemio Abu na ipinakalat na sa buong bansa ang kabuuang 25,000 na mga tauhan nito ngayong holiday season.

Kasabay ng paglalagay sa lahat ng district, stations, at sub-stations ng PCG sa “heightened alert” ngayong Yuletide Season mula December 15, 2022 na tatagal naman hanggang January 7, 2023.