-- Advertisements --
MAYON VOLCANO

Nananatiling nakataas ngayon sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon nang dahil sa nagpapatuloy na aktibidad nito ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Ito ay matapos na makapagtala ang naturang ahensya ng pitong dome-collapse pyroclastic density current (PDC) events sa bulkan na tumagal nang hanggang tatlong minuto, mas mataas kumpara sa una nang naitala ng kagawaran na dalawang pyroclastic density current events.

Bukod dito ay iniulat din ng PHIVOLCS na mayroon ding 299 rckfall events at dalawang volcanic earthquakes din ang naitala nito sa Bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras.

Sa datos ng PHIVOLCS, nagpapatuloy pa rin ang mabagal na pagbuga ng lava mula sa summit crater ng Bulkang Mayon dahilan naman ng patuloy na pagdausdos ng lava sa Mi-isi at Bonga gullies.

Mas umigting din ang naturang lava flow sa maximum lengths nito ng hanggang 2,500 meters sa Mi-isi gully, at 1,800 meters naman sa Bonga gully mula sa bunganga ng bulkan, habang aabot naman sa 3,300 meters ang naitalang collapsed debris ng PHIVOLCS.

Umabot naman sa 800 meters ang naobserbahang steam-laden plumes ng bulkan na inaanod naman sa direksyong pa-kanluran.

Habang pumalo naman sa 507 tonnes per day ang naitalang sulfur dioxide na ibinubuga ng bulkan Mayon.

Dahil dito ay inirekomenda ngayon ng PHIVOLCS na ilikas ang mga residenteng nasa six-kilometer radius ng Permanent Danger Zone ng bulkang nang dahil sa banta ng mga pyroclastic density currents, lava flows, rockfalls and, at iba pang volcanic hazards.

Pinagbabawalan din muna ang mga piloto na lumipad malapit sa tuktok ng bulkan nang dahil sa mga panganib ng biglaang pagsabog ng Mayon na lubhang mapanganib para sa mga sasakyang panghimpapawid.